SURIGAO DEL NORTE, Philippines – Patuloy na binabantayan at nagsasagawa ng assessment ang Philippine Coast Guard (PCG) sa motor tanker na sumadsad sa baybayin ng Barangay Poblacion 1, Burgos, Surigao del Norte.
Ang barkong MT Cheng Xian Feng 168 ay may 712 gross tonnage at galing sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental patungo sa Homonhon, Leyte.
Ayon kay PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, walang oil spill na naobserbahan sa lugar ng insidente.
Sa kabila nito, patuloy ang technical assessment at verification para malaman ang posibilidad ng hull breach at masiguro ang marine environmental protection.
Nasa ligtas na kalagayan ang siyam na Filipino crew members, kasama ang master, na dinala sa baybayin para sa tulong at imbestigasyon.
Lahat sila ay nasa maayos na kalagayan at walang nasaktan.
Nakaranas ng biglaang engine trouble ang barko noong Enero 10, 2026, kaya ipinag-utos ng kapitan na iangkla ito.
Ngunit dahil sa malakas na alon at daluyong, naanod ang motor tanker at sumadsad sa baybayin.
Ang barko ay may karga na 3,500 liters ng diesel fuel para sa konsumo.
Alas-7:50 ng umaga kahapon, Linggo makipag-ugnayan ang PCG para sa towing operations ng sumadsad na barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden