MANILA, Philippines — Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na walang kinakailangang loyalty check sa loob ng kanilang hanay, habang iniimbestigahan ang kaso ni Colonel Audie Mongao, na na-relieve sa kanyang tungkulin dahil sa isang kontrobersyal na pahayag sa social media.
Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na nananatiling buo at propesyonal ang militar, at pinabulaanan ang mga haka-haka na maaaring magdulot ng kaguluhan ang kaso ni Mongao sa mga sundalo.
“Una po sa lahat, patuloy po naming inaassure ang public that there is no division within the Armed Forces of the Philippines. Our troops, all of the Armed Forces of the Philippines, [are] intact. We remain professional and we remain united,” ani Padilla.
“There is no loyalty check to be conducted. Kilala po namin ang mga leaders. We know how our leaders conduct their own leadership,” dagdag pa niya.
Ayon kay Padilla, kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso ni Mongao ngunit maagang pag-usapan ang posibleng mga kaso. Binigyang-diin niya na susundin ang mga alituntunin ng militar at due process.
“Sa investigation, we will leave no stone unturned,” sabi ni Padilla. “Iyong magiging investigation would be very thorough but under the due process of the law.”
Na-relieve si Mongao sa kanyang tungkulin at inilagay sa attached/unassigned status matapos kumalat sa social media ang screenshot na nagpapakita ng umano’y pagbawi niya ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may pahayag na, “Sobra na, tama na! The Filipino people is worth fighting for. Mabuhay!” Dave Baluyot