Home NATIONWIDE Hirit ni Sen. Bato na detalye sa ICC warrant, inisnab ng DOJ

Hirit ni Sen. Bato na detalye sa ICC warrant, inisnab ng DOJ

223
0

MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng abogado ni Senador Ronald Dela Rosa na makakuha ng impormasyon hinggil sa umano’y arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ibinahagi ni Atty. Israelito Torreon sa Facebook ang liham ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na may petsang Disyembre 4, 2025, na kanyang natanggap umano noong Enero 8, 2028.

Kinumpirma ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na “authentic” ang naturang dokumento.

Sa liham, sinabi ni Chan na hindi maaaring magbigay ang DOJ ng payo o paglilinaw kung may natanggap na komunikasyon ang gobyerno mula sa ICC, Interpol, o anumang dayuhang pamahalaan kaugnay ng arrest warrant, red notice, o surrender request laban kay Dela Rosa.

“Consistent with judicial courtesy accorded to all courts, we regret that we cannot issue any advice or guidance on the matter,” ayon kay Chan.

Binanggit din ng DOJ na tinatalakay na ng Korte Suprema ang isyu matapos nitong tanggihan ang hiling na pilitin ang gobyerno na ilabas ang umano’y ICC warrant. Ang mga usapin kaugnay ng Witness Protection, Security and Benefit Program ay ini-refer na sa program director.

Hindi pa muling nagpapakita si Dela Rosa sa Senado matapos sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong nakaraang taon na umano’y naglabas na ng arrest warrant ang ICC laban sa senador kaugnay ng kanyang papel sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here