MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na nagbigay umano ng maling koordinato si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Malacañang para posibleng hadlangan ang imbestigasyon.
Sinabi ni Lacson, na chairman ng Blue Ribbon Committee, na ginamit ang datos sa Sumbong sa Pangulo website.
“I received reliable information that former DPWH Secretary Manuel Bonoan deliberately submitted to Malacañang incorrect grid coordinates of thousands of flood control projects all over the country,” ani Lacson.
“Niloko niya si Pangulo. Sa cover up palang kitang-kitang mo yung kanyang complicity.”
Ani Lacson, naapektuhan ng maling datos ang 421 ghost flood control projects, kaya mas mababa ang naiulat na bilang.
Kasalukuyang sinusuri ng DPWH ang datos sa pamamagitan ng multi-year planning at scheduling, ngunit nagdudulot ito ng kakulangan sa kredibilidad ng Sumbong sa Pangulo website.
Balak ng Blue Ribbon Committee na maglabas ng subpoena sa Lunes para pilitin siyang dumalo. Kung hindi, maaring kasuhan siya ng contempt at maglabas ng arrest warrant. Ganito rin ang proseso para kay dating Congressman Zaldy Co kung hindi siya magpapakita.
Inaasahang dadalo sina dating DPWH officials Brice Hernandez at Henry Alcantara upang tanungin tungkol sa posibleng pagtatangka nilang mag-recant ng testimonya.
Maaari ring tanungin si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo tungkol sa umano’y pagtatangka ni dating PNP at kasalukuyang MMDA General Manager Nicolas Torre III na isailalim siya sa kostudiya sa kung ano mang hindi pa malamang dahilan bago ang kanyang ikatlong pagdalo sa komite.
Nais din ni Lacson suriin ang ilang DPWH documents, kabilang ang Cabral files na iniwan ng yumaong Undersecretary Catalina Cabral, at imbestigahan ang alegasyon na ginamit ni dating House Speaker Martin Romualdez ang Discayas bilang front sa pagbili ng luxury house sa Makati City. Kung mapatunayan, maaring imbitahin ang dating may-ari ng ari-arian para magpaliwanag. RNT