Home NATIONWIDE 4,000 pasahero, 1,000 cargo truck stranded sa hagupit ni Ada

4,000 pasahero, 1,000 cargo truck stranded sa hagupit ni Ada

195
0

MANILA, Philippines – Mahigit 4,000 pasahero, ilang sasakyang-dagat, at tinatayang 1,000 rolling cargo truck ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa Tropical Storm Ada, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes.

Sa maritime safety advisory ng PCG, umabot sa 4,107 pasahero at drayber, 17 sasakyang-dagat, at 1,001 rolling cargoes ang na-stranded sa mga pantalan sa Eastern Visayas, Central Visayas, Bicol, at hilagang-silangang Mindanao. Sa Central Visayas, may 69 pasahero, 30 rolling cargoes, at isang sasakyang-dagat ang naitala sa Port of Daanbantayan.

Sa Eastern Visayas, may 1,561 pasahero, 455 rolling cargoes, at limang sasakyang-dagat na na-stranded sa mga pantalan ng San Juan, Saint Bernard, Maasin, Benit, Padre Burgos, Sta. Clara, Dapdap, at Looc. Sa Bicol region naman, umabot sa 1,672 pasahero, 163 rolling cargoes, at 10 sasakyang-dagat ang na-stranded sa mga pantalan ng Matnog, Pilar, Castilla, at Mobo.

Sa hilagang-silangang Mindanao, iniulat ng PCG na may 805 pasahero, 353 rolling cargoes, at isang sasakyang-dagat ang na-stranded sa mga pantalan ng Eva Macapagal, Lipata, at Hayanggabon.

Bilang pagtiyak sa kaligtasan ng publiko, in-activate ng PCG Station Northern Quezon at ng mga substation nito ang mga deployable response group upang agad tumugon sa anumang insidenteng dulot ng masamang panahon.

Nanawagan din ang PCG sa mga mangingisda at pasaherong pandagat na iwasan muna ang paglalayag at makinig sa mga opisyal na babala mula sa PCG at sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tropical cyclone bulletin ng PAGASA alas-5 ng hapon, iniulat na lumakas si Ada bilang isang tropical storm at itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here