BAGUIO CITY, Philippines – Isang senior citizen ang nasawi at apat ang nasugatan matapos sumemplang sa linya ang isang electric bus at mabangga ang mga naglalakad sa Scout Hill Road sa loob ng Camp John Hay noong Biyernes ng hapon, ayon sa pulisya.
Ang driver na si Johny Algayan Dumanni Jr., 52, residente ng Itogon, Benguet, ay inaresto at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries.
Ayon sa pulisya, paakyat ang bus nang bigla itong kumabig pakaliwa at bumangga sa ilang pedestrian.
Patuloy pang iniimbestigahan ang dahilan ng insidente.
Agad na binigyan ng paunang lunas ang mga sugatan at dinala sa ospital.
Idineklarang patay sa lugar si Rowena Andrion, 63.
Ang mga sugatan ay kinilalang sina Susan Robles, Jessica Dacpano, Angelica Castro, at Levy Serrano Pacleb.
Nanatili sa kustodiya ng pulisya ang driver habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings.
Sa pahayag, sinabi ni John Hay Management Corporation (JHMC) President at CEO Manjit Singh Reandi na iniutos niya ang isang “thorough assessment and investigation” sa nangyari.
Dagdag pa niya, “We are closely coordinating with the Philippine National Police and the Cordillera Basic Sectors Transport Cooperative, our John Hay Loop operator, to ensure proper response and verification of facts.”
Maglalabas umano ng buong pahayag ang JHMC matapos makumpleto ang imbestigasyon.
Ang Cordillera Basic Sectors Transport Cooperative–Baguio City ang nagbibigay ng libreng sakay ng bus sa loob ng Camp John Hay sa ilalim ng kontrata ng JHMC. RNT/MND