Home NATIONWIDE Trust fund, miyembro ng OWWA, lumago; serbisyo sa OFWs, palalawakin

Trust fund, miyembro ng OWWA, lumago; serbisyo sa OFWs, palalawakin

208
0

MANILA, Philippines – Lumago ang pondo at miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang nangangako itong palawakin at pagbutihin ang serbisyo para sa mga OFW.

Ayon kay Administrator Patricia Yvonne Caunan sa isang media briefing sa Pasay City, tumaas ang OWWA Trust Fund ng PHP1 bilyon, mula PHP20.3 bilyon noong Disyembre 2024, naging PHP21.3 bilyon sa katapusan ng 2025.

Tumaas din ang bilang ng miyembro mula 2 milyon hanggang 2.6 milyon.

“Ang dahilan dito ay of course, ang tapat at transparent na pagmamanage ng OWWA Trust Fund at yan ang unang-unang mandato ng OWWA,” ani Caunan.

“Nagpapasalamat po kami sa tiwala ng ating mga OFW sa OWWA na siya namang nakikita nilang katuwang nila, hindi lamang pag meron silang problema, kundi sa pagpaplano ng kanilang magiging buhay pagbalik nila ng Pilipinas,” dagdag niya.

Ipinakilala rin ni Caunan ang mga bagong programa sa ilalim ng “Alagang OWWA,” kabilang ang OFW Lounges, Seafarer Welfare Center, regional offices na may libreng klinika at botika, at pinalawak na global centers sa Hong Kong at Taipei na nagbibigay ng legal assistance, health services, at upskilling programs.

Kabilang sa programa ang OFW Serbisyo Caravans, kasama ang Department of Migrant Workers at iba pang ahensya, na direktang nagdadala ng serbisyo sa mga OFW kahit saan man sila naroroon.

Nag-anunsyo rin siya ng makasaysayang dagdag na 10,000 scholarship slots para sa mga anak ng OFW, mula 15,000 slots, at itinaas ang eligibility mula USD600 hanggang USD1,000 buwanang kita ng pamilya.

Para sa mga OFW, may training at livelihood programs na may allowance hanggang PHP10,000 kada buwan habang nag-aaral sa mga professional courses tulad ng caregiving.

Pinaigting rin ng ahensya ang 1348 hotline, dagdagan ng mas maraming trained personnel upang maabot lahat ng OFW at kanilang pamilya.

“Ang prioridad namin ay ang kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya, mula emergency repatriation hanggang training, scholarships, at reintegration,” ani Caunan.

“OWWA’s growth reflects the trust OFWs have in our programs, and we remain committed to managing these resources prudently while expanding services that directly benefit them and their families,” dagdag niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here