MANILA, Philippines – Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nilaro lamang ng Senate panel na pinamumunuan ni Senador Ronald Dela Rosa ang imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Remulla, justice secretary nang ilunsad ang full-blown investigation sa kaso ng mga nawawalang sabunero, na lubhang mahirap ang pinagdaanan nila sa imbestigasyon.
Kabilang dito ang kakaunting mga pamilya na nakikipagtulungan sa DOJ.
Nais ng mga awtoridad na matunton na si Ang matapos na maglabas ng magkakahiwalay na arrest warrant ang mga regional trial court ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas laban dito at iba pang co-accused sa kasong kidnapping with homicide, at iba pang mga krimen.
“Imagine, this arrest warrant for Atong Ang, we have worked for this for 43 months. Since I assumed [the DOJ leadership] under the Marcos administration, we already began our investigation into this,” ani Remulla.
Batid niya rin na walang gustong humawak ng kaso at ikinokonsiderang sangkot dito ang high-profile personalities kabilang si Ang na naging dahilan upang ito ay maging isang “cold case.”
Bukod dito, ipinunto ni Remulla na hindi nakakuha ng atensyon ng publiko ang kaso ng mga nawawalang sabungero kahit na binuksan ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na pinamunuan ni Dela Rosa, ang imbestigasyon noong 2022.
Hindi rin kumbinsido si Remulla sa naging resulta ng imbestigasyon ng Senado.
“They just played with [this case] in the Senate, under [the committee] of Bato.” RNT/JGC