MANILA, Philippines – BANGKAY na nang matagpuan ng kanyang anak ang isang 47-anyos na mister nang magbaril sa kanyang sarili na hinihinalang dahilan ay depressed ito matapos na masuspinde sa kanyang trabaho.
Kinilala ang nasawi na si alyas Romulo, 47, may-asawa at naninirahan sa Del Pilar St. Barangay Bitin, Bay, Laguna.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Bay Municipal Police Station, dakong ala-1:00 ng hapon kung saan nakarinig ng ringtone ang anak na lalaki ng biktima na kararating lang mula sa trabaho na nagmumula sa loob ng kwarto ng kanyang ama.
Napag-alaman na hindi umano sinasagot ng biktima ang tumatawag sa cellphone nito kaya napilitan umanong puntahan ng anak ng biktima ang kuwarto ng kanyang ama, subalit laking pagkabigla nito nang tumambad ang walang malay at duguang biktima at nasa tabi nito ang isang hindi pa matukoy na klase ng baril na hinihinalang ginamit ng nasawi para wakasan nito ang kanyang buhay.
Nabatid sa ulat na hindi na umano pumapasok sa kanyang trabaho ang biktima sanhi ng sinuspinde ito kung saan hinihinalang na depress ang biktima kaya minabuting wakasan nito ang kanyang buhay.
Samantalang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at Forensic Unit 4A – SOCO hinggil sa pagkasawi ng biktima. Ellen Apostol