Home NATIONWIDE ‘Right to Care’ system ng QC target ipatupad sa buong Pilipinas

‘Right to Care’ system ng QC target ipatupad sa buong Pilipinas

211
0

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima ang pagpapatupad ng isang pambansang “Right to Care” card system na magbibigay sa mga pasyente ng karapatang pumili ng taong maaaring magpasya para sa kanila ukol sa gamutan kapag sila ay hindi na makapagpahayag ng sariling desisyon.

Ayon kay De Lima, ang House Bill No. 7068 na kanyang inihain ay hinango mula sa umiiral na Right to Care ordinance ng Quezon City na layong palawakin at ipatupad sa buong Pilipinas.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magtalaga ang sinumang Pilipino ng health-care proxy na awtorisadong gumawa ng mga medikal na desisyon sakaling mawalan ng kakayahang magpasya ang pasyente dahil sa karamdaman o emerhensiya.

Itatala ang impormasyong ito sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at isasama sa isang ligtas at sentralisadong Right to Care registry na pamamahalaan ng Department of Health (DOH).

Nakasaad din sa panukalang batas ang probisyon ng immunity para sa mga health-care practitioner na kikilos nang may mabuting hangarin sa paggalang sa desisyon ng itinalagang health-care agent ng pasyente.

Ayon kay De Lima, layon ng panukala na tugunan ang diskriminasyon sa loob ng mga health-care facility na nararanasan ng mga mula sa nontraditional households tulad ng solo parents, mga nasa hindi kasal na relasyon, same-sex partners, at miyembro ng LGBTQ+ community.

Sa kanyang explanatory note, sinabi ni De Lima na maraming Pilipinong nasa hustong gulang ang “naisantabi” ng kasalukuyang mga batas pagdating sa karapatang medikal.

Dagdag pa niya, ang mga mahal sa buhay na aktwal na nag-aalaga sa pasyente ay madalas na hindi pinapahintulutang makilahok sa mga desisyong medikal o makakuha ng impormasyon, kahit pa may matagal na silang ugnayan at responsibilidad sa isa’t isa.

Katulad na mga panukala ang inihain nina Sen. Risa Hontiveros at Akbayan Representatives Percival Cendaña, Jose Manuel Diokno at Dadah Kiram Ismula, pati nina Dinagat Islands Rep. Arlene Bag-ao at Negros Occidental Rep. Javier Miguel Benitez.

Giit ni De Lima, layon din ng panukala na tiyakin ang pantay na proteksyon sa ilalim ng batas, isulong ang inklusibo at makataong serbisyong pangkalusugan, at mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan na dulot ng stigma at diskriminasyon.

“Sa panukalang ito, ibinibigay natin sa mga pasyente ang karapatang piliin ang mga taong tunay nilang pinagkakatiwalaan pagdating sa kanilang buhay at kalusugan,” ani De Lima. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here