Home NATIONWIDE Leviste umamin, nananatiling may-ari ng power firm na pinagmulta ng DOE

Leviste umamin, nananatiling may-ari ng power firm na pinagmulta ng DOE

231
0

MANILA, Philippines — Inamin ni Batangas Rep. Leandro Leviste na nananatili siyang may-ari ng isang solar power company sa Batangas na kamakailan ay pinagmulta ng Department of Energy (DOE), ngunit iginiit na hindi ito lumalabag sa probisyon ng Konstitusyon laban sa conflict of interest ng mga opisyal ng gobyerno.

Kinumpirma ni Leviste na siya pa rin ang may-ari ng Solar Philippines Power Holdings Inc. (SPPHI), na may shares sa SP New Energy Corp. (SPNEC), sa parehong araw na naghain siya ng civil libel case laban kay Palace press officer Claire Castro kaugnay ng isyu sa kanyang mga negosyo sa enerhiya.

Ayon kay Leviste, batay sa payo ng kanyang mga abogado, hindi ipinagbabawal ng Article VI, Section 14 ng Konstitusyon ang kanyang pagmamay-ari ng shares, basta’t hindi siya direktang sangkot sa mga kontrata, prangkisa, o espesyal na pribilehiyong ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, malinaw umanong idineklara ang kanyang mga pagmamay-ari sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at siniguro rin niyang hindi siya nakikilahok sa mga talakayan o panukalang batas na may kaugnayan sa sektor ng enerhiya.

Aniya, sinadya rin niyang umiwas sa anumang usapin ng House committee on energy upang maiwasan ang posibleng conflict of interest.

“Kung ang interpretasyon ay bawal ang pagmamay-ari ng shares sa mga kumpanyang may transaksiyon sa gobyerno, kailangan itong pag-usapan nang mas malawakan,” ani Leviste, sabay panawagan ng masusing pagsusuri sa disclosures ng lahat ng 318 miyembro ng Kamara.

Naging sentro ng kontrobersiya ang SPPHI matapos ipataw ng DOE ang multang P24 bilyon dahil umano sa kabiguang makapaghatid ng kuryente ayon sa mahigit 30 service contracts nito sa pamahalaan.

Mariing itinanggi ni Leviste ang paratang, iginiit na hindi naman binigyan ng permit ang ilang proyekto kaya’t hindi ito makapag-operate.

Dagdag pa niya, lumilitaw umanong ang multang P24 bilyon ay direktang ipinataw lamang sa SPNEC, kung saan aniya ay wala siyang direktang pamamahala o partisipasyon.

“Matagal na akong naging bukas tungkol sa aking mga interes sa negosyo at maingat akong umiwas sa anumang desisyong may kinalaman sa mga kumpanyang ito,” ani Leviste. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here