Home NATIONWIDE Dizon: Lahat ng state witness sa korapsyon sa flood control projects dapat...

Dizon: Lahat ng state witness sa korapsyon sa flood control projects dapat ilantad mga mastermind

214
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dapat ibunyag ng lahat ng tinanggap na state witness ang mga mastermind sa likod ng umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.

Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na tinanggap bilang state witnesses sina dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, district engineer Henry Alcantara, regional director Gerard Opulencia, at contractor Sally Santos.

Ayon kay Dizon, dumaan sa masusing beripikasyon ng Department of Justice at Office of the Ombudsman ang apat bago sila tinanggap bilang state witnesses.

“Mahalaga na tumulong sila sa pagtukoy kung sino ang mga utak sa likod ng malawakang pagnanakaw. Iyan ang inaasahan sa kanila,” ani Dizon sa isang panayam noong Sabado.

Nilinaw rin ng kalihim na hindi awtomatikong absuwelto ang mga state witness sa lahat ng kaso.

“May immunity lamang sila sa mga kasong may kaugnayan sa impormasyong ibibigay nila. Hindi ibig sabihin ay wala na silang pananagutan sa iba pang kaso,” aniya.

Samantala, tumanggi si Dizon na magbigay ng pahayag hinggil sa alegasyong maling koordinado ng mga flood control projects na naunang iniulat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng dating DPWH secretary Manuel Bonoan.

“Hindi ko nais pag-usapan kung may intensyon o simpleng pagkakamali. Ang malinaw ay maraming coordinates na ibinigay noong Agosto 2025 ang mali at walang aktuwal na proyekto sa mga lokasyong iyon,” paliwanag ni Dizon.

Noong Biyernes, pinangunahan ni Dizon ang inspeksyon sa ilang bahagi ng Maharlika Highway sa Quezon at Camarines Sur.

Aniya, sasailalim sa kauna-unahang malawakang rehabilitasyon ang mahigit 3,500 kilometrong highway mula nang itayo ito noong dekada 1970.

Dagdag pa niya, pansamantalang aayusin ang mga sirang kalsada mula Pebrero hanggang Marso upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe ng mga motorista ngayong darating na Semana Santa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here