NAKALULUNGKOT talagang malaman na pabobo nang pabobo ang mga mag-aaral natin mula sa kanilang pagpasok sa elementarya hanggang sa high school at senior high school.
Ang sukatan, mga Bro, ay 75 na sukatan din ni ex-Pangulong Digong Duterte.
Ayon naman sa Second Congressional Commission on Education o Edcom 2, sa gradong 75 pataas, dito masasabing proficient o bright ang isang estudyante.
Nakalulungkot nga lang malaman na pagdating sa Grade 3 mula kindergarten hanggang Grade 2 na pag-aaral, 30.52% lang ang may 75 pataas at halos 70% ang bagsak.
Sinusukat ang proficiency o galing ng mag-aaral sa kakakayahang umintindi ng kanyang binabasa, magbilang at magkwenta at makabuo ng kaisipan o paniniwala batay sa datos na kanilang nakalap.
Pagdating sa Grade 6, 19.56% na lang o 1 sa bawat 5 mag-aaral ang proficient o bright, batay na rin sa 2024 National Achievement Test.
Sa high school, lalong lumitaw ang kabobohan dahil 1.36% na lang ang proficient lalo na sa Grade 10 at nasa .4% na lang sa Grade 12 o senior high school.
Resulta?
Sa bawat 1,000 estudyante sa Grade 10, 14 lamang ang bright at sa 1,000 sa Grade 12, 4 na lang.
PAANO NAMAN SA KOLEHIYO?
Pagdating naman sa kolehiyo, partikular sa State Universities and Colleges, ano naman ang rekord?
Ayon sa Commission on Higher Education, narito ang kalagayan ng mga enrollee at graduate ng 4-year course at doctoral program mula 2017 hanggang 2020.
Noong 2017-18, may nag-enrol na 1,181,203; 2018-19 – 1,303,561; at 2019-20 – 1,321,773.
Ang nag-gradweyt?
302,669 noong 2016-17; 325,157 noong 2017-2018; at 340,096 noong 2018-2019.
Lumalabas na kada 4 na nag-enrol, 1 lang ang nakaga-gradweyt.
Lumalabas namang ang grumadweyt sa kolehiyo mula 2017 hanggang 2019 ay nagmula sa mahigit 12 milyon nag-enrol sa elementarya at mahigit 5M sa high school noong mga taong 2003-2004 pataas.
Makikitang kulang sa kalahati mula sa nagtapos ng elementarya ang nakapagtapos ng high school.
At kung ihahambing sa nakatapos sa kolehiyo, partikular sa SUCs, nakapanlulumo na mula sa milyon-milyon estudyante sa elementarya at high school, mahigit 300,000 na lang ang nakatatapos sa kolehiyo.
KAKAUNTI NA NGA LANG, BOBO PA
Masakit isipin kung pagsamahin ang mga rekord sa itaas na palala nang palala ang kabobohan at malakihang pagliit ng mga nakatatapos mula sa elementarya, high school at kolehiyo.
‘Yun bang === kakaunti na nga lang ang nakatatapos ng 4-year course at doctoral program, nagiging bahagi pa ang mga ito ng mga lumalalang kabobohan.
Hindi namang nakapagtataka ang pangyayaring ito kung ikukumpara sa ibang bansa…kahit pa sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) na kabilang tayo sa mga pinakakulelat sa 79 bansa.
Mababa rin ang ranking ng ating mga unibersidad sa world ranking gaya sa Times Higher Education World University Ranking 2026.
121 lang na Pinoy universities ang pasok mula sa 2,191 unibersidad na sinasarbey nito at ang Ateneo de Manila na No. 1 ng Pinas, nasa bracket na 100–200 habang nasa 400 pataas na ang iba.
Sa QS World University Rankings 2026, 6 lang na unibersidad natin ang nakapasok sa 1500 unibersidad.
Ano-ano nga kaya ang gagawin sa edukasyon ng mga Pag-asa ng Bayan?






