Home HOME BANNER STORY PCG plane pinaulanan ng radio challenge ng Chinese warship sa Scarborough

PCG plane pinaulanan ng radio challenge ng Chinese warship sa Scarborough

193
0

MANILA, Philippines – Nakasagap ang isang eroplano ng Philippine Coast Guard (PCG) ng paulit-ulit na radio challenges mula sa isang Chinese warship habang nagsasagawa ng maritime domain awareness (MDA) flight sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, ayon sa PCG nitong Martes.

Sa pahayag ng PCG, ilang sasakyang-pandagat ng China ang namataan sa lugar, kabilang ang dalawang barko ng China Coast Guard—ang isa ay nasa humigit-kumulang 84.6 nautical miles sa kanluran ng Capones Island at ang isa ay 7.8 nautical miles sa timog-silangan ng Bajo de Masinloc—gayundin ang dalawang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) na may hull numbers 553 at 909. Mayroon ding limang sasakyang pinaniniwalaang bahagi ng Chinese maritime militia na nakita sa layong 6.16 hanggang 11.82 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc.

Ayon sa PCG, ang kanilang Islander aircraft ay tumugon sa mga radio challenge na inilabas ng PLAN warship na may hull number 553.

“The PCG aircrew responded professionally, asserting that the MDA flight was fully compliant with the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), the 2016 Arbitral Award, and the Philippine Maritime Zones Act,” pahayag ng PCG.

Dagdag ng ahensiya, ipinapakita ng isinagawang aerial patrol ang kanilang determinasyong protektahan ang mga mangingisdang Pilipino at binibigyang-diin ang umano’y ilegal na presensya ng mga puwersang pandagat ng China sa lugar.

Matatagpuan ang Bajo de Masinloc may 124 nautical miles mula sa Masinloc, Zambales at saklaw ito ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas alinsunod sa UNCLOS.

Bahagi ito ng West Philippine Sea, ang katawagang ginagamit ng pamahalaan sa mga katubigang nasa kanlurang bahagi ng kapuluan, kabilang ang paligid ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.

Noong 2016, nagpasya ang international arbitration tribunal sa The Hague na walang “legal basis” ang mga pag-angkin ng China sa South China Sea, isang desisyong hindi kinikilala ng Beijing. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here