IPINAMALAS ng mga empleyado ng Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) ang kanilang pagkakaisa sa kampanya laban sa pagkasayang ng tubig matapos lumahok ang mahigit 90% sa kanila sa proyektong “Walk the Line” nitong nakalipas na taong 2025.
Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay, umabot sa 199 na lokasyon sa 12 lungsod ang nainspeksyon ng mga empleyado.
Nakasakop ito ng mahigit 1,070 kilometro ng mga tubo na nagresulta sa pagkumpuni ng mahigit 1,700 na mga leak o may tagas sa linya ng tubig.
Mas Mabilis na Aksyon sa Field
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng Maynilad upang mabawasan ang Non-Revenue Water (NRW) o ang tubig na nawawala dahil sa mga leak o illegal connection.
Layunin nitong pabilisin ang pagtukoy at pag-aayos ng mga tagas sa West Zone.
“Hinihikayat ng Walk the Line ang mga empleyado mula sa lahat ng antas na makita mismo ang mga hamong kinakaharap ng ating mga technical team sa field,” ani Engr. Ryan B. Jamora, Central NRW Head.
“Ang kanilang mga ulat at obserbasyon ay nakatulong para mas mabilis nating matukoy ang mga problema at makapag-ambag sa ating operasyon.”
Bukod sa mga teknikal na benepisyo, layunin din ng buwanang aktibidad na ito na palalimin ang malasakit ng bawat kawani sa pangangalaga ng likas na yaman.
“Ang ‘Walk the Line’ ay sumasalamin sa pangako ng Maynilad sa responsableng pangangalaga sa tubig. Ipinapakita nito na ang bawat isa, anuman ang katungkulan ay maaaring gumawa ng isang tunay na kontribusyon tungo sa napapanatiling pamamahala ng mapagkunan ng tubig,” pahayag ni Atty. Roel S. Espiritu, Chief Sustainability Officer.
Komprehensibong Estratehiya
Ang programang ito ay katuwang ng iba pang mga hakbang ng kompanya laban sa NRW, gaya ng:
• Active Leak Detection: Paggamit ng teknolohiya para makahanap ng tagas.
• Pressure Management: Pag-aayos ng lakas ng agos para hindi pumutok ang mga tubo.
• Pipe Rehabilitation: Pagpapalit ng mga lumang tubo.
• Community Engagement: Pakikipagtulungan sa mga komunidad.
Sa pamamagitan ng paglahok ng mga empleyado, mas pinapatibay ng Maynilad ang serbisyo nito upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay ng tubig para sa mga customer nito sa hinaharap.






