MANILA, Philippines – Naglabas ng advisory ang Philippine Embassy sa Washington at ang Philippine Consulate General sa New York upang paalalahanan ang mga komunidad ng Pilipino sa ilang bahagi ng Estados Unidos na maghanda para sa paparating na snowstorm.
Ayon sa embahada, maaaring magdulot ang bagyo ng mabigat na pag-ulan ng niyebe, mapanganib na kondisyon sa pagbiyahe, at matinding lamig ngayong weekend, lalo na sa South, Midwest, at Northeast.
“Filipino communities in the South, Midwest, and Northeast are advised to undertake all necessary preparations and heed the warnings of local officials as an approaching snowstorm to these regions could bring heavy snow, dangerous travel conditions, and extreme cold this weekend,” ayon sa pahayag.
Idinagdag nito na ang kaligtasan ng mga Pilipino ang pangunahing prayoridad ng embahada at hinimok ang mga ito na subaybayan ang lokal na ulat ng panahon, maghanda sa malamig na temperatura, at limitahan ang paglalakbay habang umiiral ang bagyo.
Iniulat ng Reuters na inaasahang makakaranas ang 150 milyong Amerikano ng pagkaantala sa paglalakbay, pagkawala ng kuryente, at matinding lamig mula Biyernes hanggang weekend dahil sa malawak na bagyong magdudulot ng mabigat na niyebe at freezing rain mula Central Plains hanggang East Coast, ayon sa National Weather Service.
Nagbigay ang embahada ng mga numero para sa consular emergencies: 202-368-2767 o 202-769-8049. Ang hotline naman ng konsulado sa New York para sa emergency assistance ay +1 (917) 294-0196. Dave Baluyot