MANILA, Philippines – Itinanggi ng abogado ni dating House Appropriations Committee chair Zaldy Co ang umano’y mga feeler para sa negosasyon mula sa kanyang kliyente, at sinabing kung may ganito man, ito ay walang pahintulot.
Sinabi ni Atty. Ruy Rondain sa isang ulat na siya lamang ang awtorisadong magsalita para kay Co.
“As far as I know, I am the only person authorized to speak for Rep. Co. I made no such overture. So, unless they spoke with him directly, I must say that those were unauthorized feelers,” ani Rondain.
Nahaharap si Co sa mga kasong malversation at graft sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y P289-milyong ghost flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. May hiwalay din siyang kinakaharap na reklamong plunder na inihain ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may mga emisaryo umanong nagsabi sa kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na handang makipag-usap si Co, ngunit iginiit niyang hindi pa beripikado ang impormasyong ito.
“It’s third hand, kaibigan ng pari, ng kaibigan ng kaibigan ng kapatid ko, so kung ganyan, lamang pa sa marites,” ayon kay Remulla.
Tumanggi namang magkomento si Ombudsman Remulla sa umano’y mga feeler.
Sinabi naman ng Malacañang na bukas ito sa pakikipag-usap kay Co ngunit iniiwan sa Ombudsman ang anumang magiging hakbang.
“Ang sabi naman din po even before ng ombudsman na lahat ng proteksyon na kailangan niya ay ibibigay at… kung ito po ay makakatulong par malaman natin ang katotohanan, ang gobyerno po, ang pamahalaan ay open po para malaman kung ano ang kanyang sasabihin,” ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro. RNT