Home NATIONWIDE Ikatlong impeachment case vs PBBM, bigong maisampa

Ikatlong impeachment case vs PBBM, bigong maisampa

226
0

MANILA, Philippines – Tinangka ng mga dating opisyal ng pamahalaan nitong Huwebes ng hapon na magsumite ng ikatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngunit tumanggi ang Office of the Secretary General ng House of Representatives na tanggapin ito.

Hindi tinanggap ang reklamo dahil nasa ibang bansa si House Secretary General Cheloy Garafil upang tumanggap ng parangal mula sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan.

Nangyari rin ito nang tangkain ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga kaalyadong grupo na magsumite ng impeachment complaint laban sa Pangulo mas maaga sa araw na iyon.

Hindi tulad ng Bayan na nag-iwan ng kopya ng reklamo, hindi nagawang mag-iwan ng kopya ng grupong binubuo ng mga dating opisyal.

Ayon sa dating mambabatas na si Jacinto Paras, sinubukan nilang mag-iwan ng kopya ngunit hindi ito tinanggap.

Nang tanungin kung babalik sila sa Lunes, una umanong sinabi ni dating kinatawan at dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Mike Defensor na hindi na sila babalik, ngunit kalaunan ay sinabi niyang pag-aaralan pa nila ang iba pang legal na opsyon.

“The refusal of the Office of the Secretary General of the House of Representatives to accept the impeachment complaint is a clear violation of both the rules of the House and the 1987 Philippine Constitution,” ayon kay Defensor.

Kabilang sa mga nagrereklamo sina dating Armed Forces chief-of-staff Hermogenes Esperon at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson, na nagsuot ng peach ribbons bilang simbolo ng panawagang i-impeach ang Pangulo. Kasama rin nila si Atty. Ferdinand Topacio.

Nang tanungin kung sila ay pro-Duterte, sinabi ng grupo na sila ay pro-Filipino. Sinabi rin nilang may tatlong miyembro ng House of Representatives ang nag-endorso ng kanilang reklamo ngunit tumanggi silang pangalanan ang mga ito.

Noong Enero 19, naghain si lawyer Andre de Jesus ng unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos mula nang maupo ito sa puwesto noong Hunyo 30, 2016. Inendorso ito ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay sa mga kasong graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here