MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito noong Biyernes na susuportahan niya ang pagpasa ng batas na magbabawal sa political dynasties, kahit na siya mismo ay nakinabang mula rito.
Ayon kay Ejercito, naka-iskedyul na ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang pagdinig sa mga anti-political dynasty bills sa Senado. Marami ring senador ang interesado sa pagdalo.
“I myself am supporting it. I also filed the bill on anti-political dynasty kahit na, admittedly, I’m part of a political family or dynasty, and even benefited politically,” sabi niya.
Aniya, may 112 milyong Pilipino na gustong maglingkod ngunit walang name recall, machinery, o pondo para mahirang. “So hopefully, with anti-political dynasty, we give chance to others,” dagdag niya.
Ipinunto rin niya na kahit marami sa Kongreso ang mula sa political dynasties, walang sinuman ang dapat magkaroon ng monopoly sa kapangyarihan at ekonomiya. “We have to give a chance to others as well,” sabi ni Ejercito.
Naunang inanunsyo ng Malacañang na nakipagpulong si Pangulo Bongbong Marcos kay Executive Secretary Ralph Recto upang talakayin ang posibleng nilalaman ng Anti-Dynasty law, isang prayoridad ng administrasyon.
Ayon kay Ejercito, magiging hamon ang pagpasa ng batas dahil maraming mambabatas sa House at Senado ang galing sa political dynasties, ngunit naniniwala siyang magdudulot ito ng pagbabago kung maipapasa.
“This will be a game changer if ever this will be passed,” dagdag niya. RNT/MND