MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga oportunidad sa pagbuo ng kooperasyon sa labor migration kasama ang Timor Leste.
Sa pagpupulong nitong Biyernes, Enero 23, nagpulong sina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at Timor-Leste Ambassador to the Philippines Marciano Octavio Garcia Da Silva para pag-usapan ang “mutually beneficial labor migration opportunities” maging ang pagbabahagi ng best practices ng dalawang bansa.
Batay sa datos ng DMW, mahigit 1,500 Fiipino ang legal na nagtatrabaho sa Timor-Leste, habang mayroong mahigit 4,000 ang pinaniniwalaang hindi dokumentado.
Karamihan sa mga Filipino ay nagtatrabaho sa construction, engineering at education sectors.
“Sharing best practices in labor migration, reintegration, and the enforcement of welfare and illegal recruitment policies will benefit migrant workers, especially Filipinos in Timor-Leste,” pahayag ng DMW nitong Sabado, Enero 24.
Nagpahayag ng interes ang DMW sa pagsasagawa ng study visits para sa mutual understanding ng mga umiiral na sistema sa dalawang bansa.
Ayon pa sa DMW, ang meeting ay marka ng welcome partnerships sa pagitan ng Pilipinas at bagong miyembro ng Association of Southeast Asian Nations. RNT/JGC