Home NATIONWIDE Comelec sa mga kabataang botante: Konsensiya sundin, ‘wag dikta ng iba

Comelec sa mga kabataang botante: Konsensiya sundin, ‘wag dikta ng iba

164
0

MANILA, Philippines — Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kabataan at first-time voters na iboto ang mga lider batay sa sariling konsensiya at hindi sa dikta o impluwensiya ng ibang tao, kasabay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Binigyang-diin ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang panawagan sa isang voter education activity at paglagda ng memorandum of agreement sa pagitan ng Comelec at Biliran Province State University (BiPSU) sa Naval, Biliran.

Ayon kay Garcia, mahalagang maging mulat at mapanuri ang mga kabataang botante dahil nasa kanilang mga kamay ang magiging kinabukasan ng bansa batay sa mga lider na kanilang ihahalal.

Sinabi rin niya na malaki ang papel ng kabataan sa halalan, lalo na’t naitala ang pinakamataas na voter turnout sa kasaysayan ng 2025 midterm elections.

“Hindi dapat ibinabatay ang pagboto sa nakikita sa social media, telebisyon, radyo, o pahayagan. Mas mahalagang gamitin ang puso at konsensiya, lalo na ng mga unang beses boboto,” ani Garcia sa kanyang talumpati sa Filipino.

Dagdag pa niya, hindi rin dapat idikta ng kahit sino—maging magulang, kaibigan, o kaklase—ang magiging desisyon sa pagboto, kundi dapat nakabatay ito sa sariling pananaliksik kung sino ang karapat-dapat na mahalal.

Nagpaalala rin si Garcia sa mga botante na huwag ibase sa kasikatan o pisikal na anyo ang pagpili ng mga opisyal ng barangay, dahil sila ang unang tinatakbuhan ng mamamayan sa oras ng pangangailangan.

Binigyang-diin ng Comelec chair na ang tamang pagpili ng mga lider ay may direktang epekto hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa mga susunod na henerasyon.

“Hindi maaaring isisi ang kalagayan ng bansa sa iba kundi sa mga mamamayang hindi pumipili ng tamang lider,” ani Garcia.

Samantala, tatakbo ang voter registration para sa BSKE mula Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026, araw ng Lunes hanggang Sabado, kabilang ang mga holiday, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Tatanggap ang Comelec ng bagong rehistrasyon, reactivation, at transfer ng rehistro sa buong bansa. Maaaring magdala ng alinman sa mga balidong ID na inaprubahan ng poll body.

Isasagawa ang BSKE sa Nobyembre 2, 2026, matapos itong ipagpaliban mula sa orihinal na petsang Disyembre 1, 2025. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here