MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Imee Marcos nitong Sabado, Enero 24 na nagkasakit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil walang nag-aalaga rito sa Malakanyang.
Sa Facebook video, sinabi ng senador na ang kalusugan ng kanyang kapatid na maaaring lalo pang sumama dahil wala man lamang nag-aalaga rito nang maayos.
“Wala kasing nag-aalaga sa kaniya. Sino ba diyan sa nakapaligid sa Palasyo, sa dinami-dami ninyo, ang talagang nagmamahal sa kapatid ko? Yan lang ang tanong ko,” ani Imee.
“Ang health niya ang bibigay. Kaniya-kaniyang agenda kayo diyan, wala namang umaasikaso sa kaniya,” dagdag pa nito.
Ang pahayag niya ay kasunod ng pagbabahagi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang Pangulo ay inilagay sa medical observation noong Huwebes matapos na makaranas ng “discomfort.”
Dahil dito ay inabisuhan ni Imee ang kapatid na tutukan ang kalusugan at talikuran muna ang mga taong nakapaligid sa kanya sa Palasyo.
“Pangalagaan muna niya ang sarili niya. Magpalakas siya. Talikuran niya na ang lahat ng nakapaligid diyan sa Palasyo. Panggulo lang yan, wala sa kanila ang talagang nagmamahal sa kaniya,” sinabi pa ni Imee.
Nagpasaring din siya sa mga taong “feeling presidente.”
“Kung ano-ano naman ang ginagawa nitong mga feeling presidente. Naku,” aniya.
Wala pang tugon ang Palasyo sa pahayag ni Imee. RNT/JGC