MANILA, Philippines — Kinokolekta at sinusuri ng Office of the Ombudsman (OMB) ang mga rekord kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte-Carpio upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng kaso, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Sa pagdinig ng impeachment trial sa Senado kaugnay ng Article I, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Duterte-Carpio, inilarawan ng dalawang dating branch manager ng LandBank bilang kakaiba at walang kaparis sa kanilang ilang dekadang karanasan sa pagbabangko ang pag-encash ng P612.5 milyong halaga ng treasury checks mula sa OVP at DepEd.
“We’re collating all the records now, and we’re evaluating it so we can actually evaluate it for proper filing if necessary,” ani Remulla nang tanungin tungkol sa hakbang ng OMB.
“We just look at everything properly, gather the evidence, and file the cases properly,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na “very possible” ang mas maagang resolusyon dahil sa mga sinumpaang testimonya ng mga testigo. Aniya, palaging kailangang kumilos agad ang Ombudsman, ngunit dapat tiyaking matibay ang mga kasong ihahain sa korte.
“Very possible. Of course, ang deadline ng trabaho ng Ombudsman is always yesterday. That’s why we always act with urgency. We just have to make sure that it will stand in court,” pahayag niya.
Binigyang-diin din niya na kailangang masusing suriin ang ebidensiya at maayos na ihanda ang mga kaso bago magsampa ng reklamo.
“We will ask the prosecution to turn over to us their evidence for the other charges that have not been aired out yet. We are entitled to look at that,” aniya, patungkol sa iba pang alegasyong hindi pa natalakay sa impeachment proceedings.
Tungkol naman sa posibleng pagpapatawag kay Duterte-Carpio kaugnay ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), sinabi ni Remulla na susundin ng OMB ang karaniwang proseso.
“We’ll follow the process. How it happens here for Juan dela Cruz happens for her,” aniya.
“Definitely we will hear out her side, kasi nga ‘pag dumating ‘yan sa preliminary investigation, kinakailangan mag-submit siya ng counter affidavit later on,” dagdag niya.
Nagsilbi si Duterte-Carpio bilang kalihim ng DepEd mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hulyo 19, 2024. Inihain niya ang kanyang pagbibitiw noong Hunyo 2024, na naging epektibo noong Hulyo 19 ng nasabing taon. RNT/MDS