MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang alegasyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte na gumagamit ang administrasyong Marcos ng isang koordinadong government effort laban sa kanya.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagamit lamang ng gobyerno ang interagency approach nito para sa pagtugon sa epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan at super El Niño at hindi para ilugmok ang isang tao.
“Ang gobyerno, ang pamahalaan, ang Pangulo ay ipinapatupad ang whole-of-government approach para labanan natin ang epekto ng El Nino, ang epekto ng krisis sa Middle East pero hindi para i-down, or husgahan ang isang tao,” ani Castro.
“Kung ano lang po ang ginagawang trabaho ng NBI at ni NBI Director Matibag ito naman po ay naaayon sa kanyang mandato,” anito.
Binigyang diin pa rin ni Castro na ang mga public officials na nabigong gampanan ang kanilang tungkulin ay dapat na panagutin.
“Mas sisisihin po natin ang mga opisyal na hindi nagtatrabaho nang naaayon sa kanilang mandato,” ang wika nito.
Tinuran pa ni Castro na ang pagpapakita ng ebidensiya at paglalantad ng posibleng anomalya sangkot ang mga public official “does not necessarily intend to bring an official down or destroy their reputation.”
Ani Castro, ang pinakamahusay na paraan ng pagkilos para kay VP Sara ay tugunan ang mga alegasyon laban sa kanya sa pamamagitan ng pagpi-presenta ng mga ebidensiya.
“Ang pinaka magandang mangyayari na lamang dito kung talagang maipapakita ang mga ebidensya sa diumanong anomalya ng Bise Presidente, ito ay diretso niyang tugunan, ito ay diretso niyang depensahan sa pamamagitan ng gamit ng ebidensya, hindi para magturo at manira sa mga ginagawang pag-iimbestiga ng mga inbestigating agencies ng gobyerno,” ang sinabi ni Castro. (KRIS JOSE)