MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Partido Liberal ng Pilipinas (LP) ang pagtatalaga ng mga bagong opisyal sa National Executive Council and Officers (NECO) meeting nitong Biyernes, Enero 23.
Pinangalanan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan bilang party chair emeritus.
Sa kanyang speech, iginiit ni Pangilinan ang identity ng LP bilang anti-political dynasty, anti-authoritarian, at pro-democracy party.
Nanawagan din siya sa papalapit na 2028 elections ng pagiging isang matibay na organisasyon kasunod ng pagpapahayag ng kumpiyansa na mananalo ang partido sa paparating na electoral contests.
“Sa pamamagitan ng pagsasanib-puwersa ng pinakamalawak na hanay sa pagkilos, ang halalan 2028, tulad ng halalan 2025, at hihigit pa—atin ang 2028. Nasa ating mga kamay, nasa ating nagkakaisang mga kamay, para ipanalo ito,” aniya.
“Kahit hindi uso, lumaban tayo para sa katotohanan at para sa karapatang pantao. Hindi tayo umatras. Hindi tayo nagpapasailalim sa banta sa dignidad, banta sa buhay, at banta sa kalayaan,” dagdag ni Pangilinan.
Samantala, itinalaga naman si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima bilang party chairperson, at si human rights lawyer Erin Tañada bilang party president.
Si Albay Rep. Krisel Lagman naman ang itinalagang party executive vice president, Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali bilang party treasurer, at dating Quezon City Rep. Kit Belmonte bilang party secretary-general.
Nagpaalala si Pangilinan sa mga miyembro ng LP na manindigan sa long-standing role ng partido sa paglaban sa authoritarian rule.
“Lumaban ang Partidong Liberal sa malupit na diktadura. Lumaban para sa kalayaang pumili ng mga pinuno ng bayan. Hindi tayo nagpapasailalim sa mga hamon ng panahon,” dagdag niya. RNT/JGC