Home NATIONWIDE NAPOLCOM, nagsagawa ng imbestigasyon sa pulis na humarang sa bumbero sa Pasig

NAPOLCOM, nagsagawa ng imbestigasyon sa pulis na humarang sa bumbero sa Pasig

234
0

MANILA, Philippines – Naglunsad ng motu proprio investigation ang National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng viral na insidente kung saan hinarang ng isang pulis ang fire volunteer truck sa Pasig City noong Enero 20, ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Rafael Calinisan.

Ayon kay Calinisan, ang sangkot na pulis na may ranggong police corporal ay inalis na sa kanyang puwesto.

“Maling-mali itong pangyayaring ito. Hindi dapat pinapagalitan, sinisigawan, at pinapahiya ng ating kapulisan ang isang fire volunteer o isang kasama rin sa public service… Nag-order tayo ng motu proprio investigation, nagpadala na tayo ng tao for the past couple of days,” ani Calinisan.

Kinilala ang fire truck driver na si Earl Joseph Lantin, isang fire volunteer sa Pasig City.

Ayon kay Lantin, kagagaling lang nila sa isang sunog sa Navotas at papunta sana sa isa pang sunog sa Sta. Mesa, Manila nang mangyari ang insidente.

“Nakalabas na po kasi ‘yong fire truck namin sa kalsada, halos kalahati na ng kalsada bigla siyang sumulpot. Napapreno po ako, binusinahan ko po siya,” ani Lantin.

Sinabi rin niya na hinabol sila ng pulis at pinahinto ang kanilang sasakyan.

“Dalawang beses niya po kami ni-cut… Doon niya na po ako pinagmumura… Natakot po ako kasi naka-uniporme po siya… Hindi po kami nakaresponde sa Bacolod (Sta. Mesa) dahil po sa kaniya. Na-shock din po kami,” dagdag niya.

Ayon sa Marikina City Police Station, nagkaayos na ang pulis at ang may-ari ng fire truck.

Gayunman, sinabi ni Police Colonel Jenny Tecson na kailangan pa ring magpaliwanag ang pulis.

“Doon po sa opisina natin, talagang sinabi natin na we’ll make him to explain ‘yong tao natin at kapag nakita po natin na hindi valid ‘yong kaniyang reason ay talagang magka-conduct po tayo ng pre-charge evacuation sa kaniya,” ani Tecson.

Binigyang-diin ni Calinisan na magpapatuloy ang imbestigasyon kahit may kasunduan na.

“‘Yong agreement ng pulis at agreement ng bumbero, labas tayo doon… inaalam natin kung karapat-dapat bang magsuot ng uniporme ang isang kasama nating pulis,” aniya.

“I think may some form of misconduct dito… May pananagutan ang ating kapulisan at siya ay dapat managot. ‘Yong extent na lang ang pag-uusapan dito kung anong mangyayari dito.”

Ang pulis ay kasalukuyang nakatalaga sa Station Headquarters Support Unit at isinailalim sa PNP Bantay Kaisipan Program.

Samantala, naglabas ng subpoena ang Land Transportation Office (LTO) laban sa pulis at sa may-ari ng fire truck para magpaliwanag sa Enero 29.

Sinuspinde rin ng LTO ang lisensya ng pulis sa loob ng 90 araw at inilagay sa alarm status ang kanyang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here