MANILA, Philippines – Ipinahayag ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na muli nilang ibabalik ang pagsasagawa ng tax audit kung saan ipatutupad ito ng mas mahigpit at malinaw na mga reporma, kasunod ng malawak na suporta mula sa pribadong sektor.
Ayon sa BIR, magsisilbing gabay ang mga bagong patakaran kapag tuluyan nang inalis ang suspensyon sa Letters of Authority (LOA) sa mga susunod na linggo.
Sentro ng reporma ang “single-instance audit rule,” kung saan iisa lamang ang electronic Letter of Authority (eLA) na maaaring ipalabas laban sa isang taxpayer kada taon, na sasaklaw sa lahat ng buwis—maliban sa ilang malinaw na eksepsyon.
Kung may naisyung higit sa isang eLA sa iisang taxpayer at taon, awtomatiko itong pagsasamahin sa iisang audit. May opsyon naman ang taxpayer na tumutol sa konsolidasyon sa loob ng itinakdang panahon.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na mahalagang bahagi ito ng BIR D.A.R.E.S., ang limang-puntong reporma ng ahensya.
Inilahad ang mga panukala ng Technical Working Group Review Committee on Assessment Integrity and Audit Reform (TWGRC-AIAR) na pinamumunuan ni Deputy Commissioner Marissa Cabreros.
Kasama rin sa mga pagbabago ang pagpili ng mga isasailalim sa audit gamit ang risk-based at system-assisted na proseso, upang maiwasan ang pang-aabuso at maging patas ang pagpapatupad.
Nilinaw ng BIR na layon ng mga reporma na wakasan ang reklamo sa pinalobong assessment, magulong audit, at umano’y panggigipit sa mga nagbabayad ng buwis.
Nabatid na may kasamang mas mahigpit na dokumentasyon, standard checklist, masusing pagsusuri ng mga superbisor, at parusa sa mga tiwaling revenue officer.
Tinanggap naman ng mga grupo ng pribadong sektor ang mga reporma at walang tutol sa pagbabalik ng audit.
Ayon kay Ruben Pascual ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), tinatamaan ng reporma ang mismong ugat ng problema—ang walang habas na LOA, sobra-sobrang assessment, at hindi pantay na audit rules.
Samantala, sinabi ni Department of Finance Undersecretary Rolando Ligon Jr. na makatutulong ang mga pagbabago upang palakasin ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Matatandaang noong Nobyembre 2025, ipinahinto ng BIR ang lahat ng field audit, kabilang ang pag-isyu ng LOA at Mission Orders, matapos umani ng reklamo mula sa mga negosyante at taxpayer. Jay Reyes