MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang planong P120-bilyong elevated road project na mag-uugnay sa Balintawak, Quezon City at Bocaue, Bulacan.
Ginawa ng Pangulo ang anunsyo nitong Huwebes sa pagbubukas ng isang segment ng NLEX sa Valenzuela City.
Ayon kay Marcos, pamumunuan ng MVP Group ang proyekto katuwang ang San Miguel Corporation (SMC).
“Maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na hinikayat niya ang dalawang grupo na magtulungan upang madagdagan ang mga rutang maaaring gamitin ng mga motorista at mapagaan ang daloy ng trapiko sa naturang corridor.
Ayon kay Marcos, mahalaga ang patuloy na pagpapalawak ng infrastructure projects upang mapabilis ang biyahe, mabawasan ang transport costs at mapataas ang productivity ng mga manggagawa.
Aniya, inaasahang makatutulong din ang proyekto sa paglikha ng trabaho at pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng mas malaking investment sa imprastraktura.
“Very good news ito para sa ating continuing construction para mapaganda ang daloy ng traffic sa atin, pagpapabilis at pagbaba ng transport cost,” dagdag ng Pangulo.