CEBU – Hindi personal na sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kinatawan ng China sa Association of Southeast Asian Nations Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Huwebes, Oktubre 29.
Sa halip, si Defense Undersecretary Ignacio Madriaga ang tumanggap kay Senior Captain Yang Lei, defense attaché ng China sa Pilipinas, sa ngalan ni Teodoro.
Si Teodoro, na chairman ng pulong, ay personal namang sumalubong sa iba pang delegates, kabilang ang deputy defense ministers mula sa ASEAN dialogue partners.
Ayon sa Chinese state media, embassy defense attaché lamang ang ipinadala ng China sa pagpupulong, na umano’y pinakamababang ranggong kinatawan nito sa naturang meeting.
Host ang Pilipinas ng 20th ASEAN Defense Ministers’ Meeting at 13th ADMM-Plus mula Oktubre 28 hanggang 29 bilang bahagi ng 2026 ASEAN chairship nito.
Layunin ng pagpupulong na talakayin ng mga defense officials mula sa ASEAN member states at dialogue partners ang regional security challenges at mga paraan upang mapalakas ang defense cooperation.