Home NATIONWIDE NTC, pinaba-validate higit 100 SIM na nakarehistro sa iisang pangalan

NTC, pinaba-validate higit 100 SIM na nakarehistro sa iisang pangalan

9
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga mobile network operator na higpitan ang validation ng mga account na may mahigit 100 SIM cards na nakarehistro sa iisang pangalan.

Ayon sa NTC, layunin ng hakbang na mapigilan ang paggamit ng SIM cards sa mga ilegal na aktibidad gaya ng organized scams, text scams at paggamit sa SMS blaster devices.

Binigyan ng ahensya ang mga telco ng 15 araw mula sa pagtanggap ng direktiba upang magsagawa ng know-your-client o KYC verification sa mga subscriber na may mahigit 100 SIM cards na nakapangalan sa kanila.

Kailangang matukoy kung nasa kustodiya at kontrol pa rin ng rehistradong user ang lahat ng SIM at kung ginagamit ang mga ito sa lehitimong paraan.

Bagama’t walang itinakdang limitasyon sa ilalim ng Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act kung ilang SIM ang maaaring irehistro ng isang tao, sinabi ng NTC na maaaring ma-deactivate ang mga SIM kung hindi mapapatunayang nasa lehitimong paggamit pa rin ng registered owner ang mga ito.

Kasama rito ang mga SIM na naibenta o nailipat nang hindi nasusunod ang tamang registration procedures.

Babala ng NTC, ang ganitong paglabag ay maaaring patawan ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong at/o multang P100,000 hanggang P300,000.

Pinaalalahanan din ang publiko na tiyaking nakapangalan sa kanila ang mga SIM na ginagamit sa banking apps, mobile payment services at iba pang online platforms upang maiwasan ang problema kapag nagsimula ang malawakang deactivation.

Ayon sa NTC, hindi target ng hakbang ang mga lehitimong subscriber na maayos na nakarehistro at gumagamit ng kanilang SIM cards sa legal na paraan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here