Home NATIONWIDE Traffic enforcer sa Maynila, sinibak sa pangongotong

Traffic enforcer sa Maynila, sinibak sa pangongotong

188
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang agarang pagsibak sa isang traffic enforcer na nahuling on-cam at nag-“viral” sa social media ang umano’y pangongotong sa isang motorista sa Binondo, Maynila.

Binigyang-diin ng alkalde na nananatiling umiiral at mahigpit na ipinapatupad ang “One Strike Policy” ng pamahalaang lungsod laban sa lahat ng opisyal at kawani.

Ayon kay Domagoso, matapos makarating sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang viral na video ng traffic enforcer na sangkot sa iligal na paniningil, agad na naglabas noong Enero 27, 2026 si MTPB OIC-Director Dennis Viaje ng Cease and Desist Order laban sa nasabing indibidwal.

Kinilala ang sinibak na enforcer bilang si Edgar Pangilinan, isang job order employee ng MTPB.

Inutusan din si Pangilinan na isauli ang lahat ng kanyang gamit kabilang ang Ordinance Violation Receipt (OVR) tickets, ID, handheld radio at body camera sa MTPB.

“Sinabi ko na sa mga tolongges, huwag na kayong gumawa ng kalokohan dito sa Lungsod ng Maynila—hindi ‘yan sulit. Huwag nating pagsamantalahan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” mariing pahayag ng alkalde.

“Maging tapat tayo sa sinumpaang tungkulin sa bayan. Bilang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, maging ehemplo tayo ng mabuting asal sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng alkalde.

Ilang netizen naman ang nagbigay puri sa ginawang pagkakasibak sa nasabing traffic enforcer habang ang iba naman ay nagkomento kung saan may ilan pang kahalintulad ang sinibak na enforcer sa ilang lugar sa lungsod.

Nagpahayag naman si MTPB Director Viaje sa sinomang motorista na mabibiktima ng pangongotong ng kanilang mga traffic enforcer na agad ipagbigay-alam ito sa kanilang opisina upang agaran itong maaksyunan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here