Home METRO Turismo sa Batangas pansamantalang suspendido sa kakulangan ng sasakyang-dagat

Turismo sa Batangas pansamantalang suspendido sa kakulangan ng sasakyang-dagat

158
0

BATANGAS, Philippines – Pansamantalang suspindido ang lahat ng tourism activities sa bayan ng Tingloy, Batangas simula Huwebes, Enero 29, dahil sa kakulangan ng passenger vessels na nagsasakay ng mga biyahero papunta at palabas ng isla.

Sa Executive Order No. 02 na inilabas noong Martes, iniutos ni Mayor Lauro Alvarez ang pansamantalang paghinto ng lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa turismo, kabilang ang pagpasok ng mga leisure visitor.

“All tourism-related activities in the municipality of Tingloy, including the entry of non-resident tourists, are hereby temporarily suspended effective Thursday, 29 January 2026,” pahayag ni Alvarez.

Hindi saklaw ng suspensyon ang mga residente ng Tingloy, essential workers, kawani ng gobyerno at healthcare, emergency o humanitarian responders, at mga diver mula sa Mabini-based resorts na may valid dive pass, basta’t day-dive activities lamang ang isasagawa.

“Passenger vessel operations shall prioritize exempted persons and essential goods,” diin sa kautusan.

Ipinaliwanag ng alkalde na sa pamamagitan lamang ng dagat naaabot ang Tingloy gamit ang mga passenger vessel na eksklusibong pinatatakbo ng Montenegro Shipping Lines Inc. Sa kasalukuyan, tatlong barko lamang ang operational, na may tig-60 pasaherong kapasidad bawat isa.

Dagdag pa ni Alvarez, dalawang karagdagang barko na may tig-244 pasaherong kapasidad ang hindi pa rin pinapayagang bumiyahe habang hinihintay ang mga permit mula sa Maritime Industry Authority (Marina) at awtorisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa alkalde, umabot sa halos 1,500 pasaherong umaalis kada araw ang dami ng biyahero noong nakaraang weekend, na nagdulot ng mahabang paghihintay, paglalayag sa gabi, at pagkaantala ng biyahe. Aniya, naglalagay ito sa panganib sa kaligtasan ng publiko, kaayusan, at makataong kondisyon ng paglalakbay.

Mananatili ang suspensyon hanggang sa magkaroon ng sapat na bilang ng mga passenger vessel na may kumpletong permit at awtorisasyon mula sa Marina at PCG, kabilang ang mga malalaking barko na kayang maghatid ng mga pasahero nang ligtas at maayos. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here