ANG kontrobersiya sa paggamit ng pondo ng PhilHealth ay pilit na ginagawang iskandalo, kahit malinaw na ito ay usaping badyet at pagsunod sa umiiral na proseso ng pamahalaan.
Sa halip na linawin ang mekanismo ng General Appropriations Act, mas pinapalakas ang naratibong may naganap na krimen, isang akusasyong salat sa batayan, at pilit ipinapasok ang usapin ng impeachment.
Sa ilalim ng batas, kapag ang pondo ng isang ahensiya o government-owned and controlled corporation ay nananatiling idle o hindi nagagamit, may kapangyarihan ang Kongreso na ipabalik ito sa National Treasury. Kapag naisakatuparan ang hakbang na ito, ang naturang pondo ay hindi na eksklusibong pag-aari ng isang ahensya. Nagiging bahagi na ito ng pangkalahatang pondo ng pamahalaan na muling inilalaan sa pamamagitan ng batas ng badyet.
Mahalagang idiin na ang proseso ng reallocation ay desisyon ng Kongreso. Hindi ito personal na pasya ng Pangulo at lalong hindi dapat isisi kay dating Finance Secretary Ralph RFecto. Sa puntong ito pa lamang, malinaw na mahina ang pundasyon ng panawagang impeachment laban sa Pangulo at idinadamay pa sa kaso si Recto. Walang nilabag na proseso at walang ipinakitang iligal na hakbang sa halip ang umiiral ay pagpapatupad ng batas ayon sa mandato ng lehislatura.
Maging ang naging desisyon ng Korte Suprema noong 2025 ay hindi naglatag ng pananagutan o katiwalian. Sa halip, tinukoy lamang ng hukuman ang kakulangan sa probisyon ng batas at inatasan ang tamang pagwawasto sa pamamagitan ng susunod na pambansang badyet. Isa itong teknikal at ligal na usapin, hindi ebidensiya ng pang-aabuso.
Dagdag pa rito, malinaw sa mga ulat ng Department of Finance na ginamit ang pondo habang nasa Treasury upang suportahan ang mga programang pangkalusugan at serbisyong panlipunan, kabilang ang benepisyo sa health workers at tulong-medikal sa mga nangangailangan. Ang mga ito ay dokumentado at may datos.
Ang impeachment ay isang mabigat at seryosong mekanismo ng pananagutan. Kapag ginamit sa usaping malinaw na may ligal na paliwanag, nawawala ang kredibilidad nito. Sa isyung ito, malinaw na ang kaso laban sa Pangulo at kay Recto ay mas nakabatay sa pulitika kaysa sa batas.






