Home OPINION ‘RELAX, KALMA LANG’ PARA SA KAPAYAPAAN

‘RELAX, KALMA LANG’ PARA SA KAPAYAPAAN

211
0

NOONG mga nagdaang linggo, nasaksihan ng publiko ang palitan ng maaanghang na pahayag at patutsadahan sa pagitan ng ilang opisyales ng Pilipinas at China. Sa halip na magkaroon ng malinaw na paliwanag at mahinahong diplomasya, nangibabaw ang emosyon at pagpapalakas ng ego ng parehong panig kaysa sa paghahanap ng solusyon. Dito natin makikita ang kahalagahan ng pagiging mahinahon.

Ang pagiging mahinahon ay hindi nangangahulugan ng pagiging mahina o pag-atras sa paninindigan lalong-lalo na sa ipinaglalabang soberanya. Maaari namang harapin ito at ilatag ang bawat punto nang may talino, dignidad, at kontrol sa emosyon. Kung kabaligtaran ang mangyayari, mawawala ang espasyo para sa makabuluhang pag-uusap. Mas lalalim ang hidwaan, mas titindi ang tensyon, at mas lalong magiging malabo ang pagkakataon para sa mapayapang resolusyon.

Para sa mga lider at opisyales ng mga nag-uusap na bansa, mahalagang pag-ingatan ang bawat bitaw ng salita. Ang padalos-dalos na pahayag ay maaaring magdulot ng maling interpretasyon, magpalala ng alitan, at makaapekto sa relasyon ng dalawa o ng mga karatig bansa. Ang pagiging mahinahon ay magsisilbing preno, upang magkaroon ng pagkakataong suriin ang epekto ng sasabihin, at mabigkas ang mga salitang may respeto habang inihahayag ang malinaw at patas na layunin.

Hindi tayo exempted dito, dear readers. Applicable ito sa ating lahat na mga ordinaryong mamamayan. Hindi naging mahinahon ang ilan nating kababayan kaya nangyari ang road rage sa kalye, rambulan sa komunidad, at matinding alitang nauwi sa krimen at hindi inaasahang trahedya.

Sa huli, ang pagiging mahinahon lalo na sa usaping panlabas ay hindi lamang para mapanatili ang magandang imahe ng bawat bansa o ng mga lider nito. Kailangan ito ng lahat upang mas makapag-isip ng pangmatagalang solusyon sa anomang gusot para sa kapakanan at kinabukasan ng lahat ng mamamayan.

Maging mahinahon sa pagtatanggol sa bawat katuwiran. Gawin ito sa lahat ng pagkakataon na hindi kailangang isuko ang dangal, talino, at responsableng pakikitungo sa kapwa, karatig-bansa at pangkalahatang pangkapayapaan. Ika nga ng marami, “relax, kalma lang.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here