MANILA, Philippines – Nakaranas ng anim na malalakas na lindol na may lakas na magnitude 5 pataas ang offshore earthquake swarm malapit sa Kalamansig, Sultan Kudarat noong Enero 28, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Kabilang sa mga lindol ang dalawang may lakas na 5.5, at iba pa na may sukat na 5.9, 5.4, 5.2, at 5.1 magnitude.
Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang swarm noong 10:52 p.m. ng Enero 19 at, hanggang 4 p.m. ng Enero 28, nakapagtala na ito ng kabuuang 1,646 na mahihinang hanggang katamtamang lindol.
Sa bilang na ito, 507 ang naitala sa hindi bababa sa tatlong seismic stations na may magnitude mula 1.1 hanggang 5.9, habang 63 ang naranasan ng mga residente at binigyan ng kaukulang intensity level.
Pinayuhan ng awtoridad ang publiko na manatiling handa sa mga lindol at sundin ang standard na “duck, cover, and hold” na pamamaraan sa kaligtasan.
Inabisuhan din ang mga nakatira sa baybayin na maging alerto sa posibleng palatandaan ng lokal na tsunami, tulad ng malakas na pagyanig, biglaang pagbabago sa antas ng dagat, o kakaibang ugong mula sa dagat. Patuloy na minomonitor ng Phivolcs ang offshore earthquake swarm 24/7. Santi Celario