MANILA, Philippines – Dumagdag ang panganib sa paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng lumubog na M/V Trisha Kerstin sa tubig malapit sa Basilan dahil sa mga pating, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Dumating noong Miyerkules sa Zamboanga City ang 19 technical divers ng PCG dala ang espesyal na kagamitan, kabilang ang remotely operated vehicle (ROV) na kayang abutin ang 76-metrong lalim malapit sa Balok-Balok Island.
Bagamat may mga pating na nakita, sinabi ng PCG na hindi naman puno ng pating ang lugar ngunit nananatiling kinakailangan ang pag-iingat.
Pinalawak na rin ang search area at nakipag-ugnayan sa mga coastal community at barangay upang matulungan ang paghahanap sa mga posibleng nakaligtas.
Dumating na rin mula Manila ang PCG investigating team upang alamin ang sanhi ng paglubog, habang naka-standby ang Philippine Navy para sa suporta sa search and rescue operations.
Sa kasalukuyan, may 316 na nakaligtas, 18 na narekober na mga bangkay, at 10 ang nawawala, kabilang ang kapitan ng barko at isang PCG personnel.
Ayon sa mga pamilya sa Zamboanga City, may ilang pasahero pa ring hindi matukoy ang kinaroroonan, kabilang ang anim na school administrators mula sa Department of Education sa Sulu.
Dahil sa grounding ng fleet ng Allison Shipping Lines, naapektuhan ang biyahe papuntang Sulu at kalapit na lugar. Maraming stranded na pasahero sa Isabela City ang gumagamit ng maliliit na motorized boat o jungkong, na kadalasa’y walang maayos na life vest, at iniulat na sobra ang singil sa pamasahe.
Pinayuhan ng MARINA ang mga operator na hindi puwedeng basta-basta taasan ang pamasahe at magbibigay ng espesyal na permit sa ibang shipping lines. Naghihintay din ang PCG ng aprubal mula sa MARINA para makapagbigay ng libreng transportasyon.
Inaasahan na sisimulan ng mga technical divers ang underwater search operations sa Huwebes, depende sa resulta ng ROV. Mary Anne Sapico