MANILA, Philippines – Naaresto sa Manila ang isang babae na nagpakilalang paralegal na nag-aalok ng tulong sa isang biktima ng scam sa ibang bansa, ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Nahuli ang suspek sa isang entrapment operation sa Manila City Hall.
Nilapitan niya ang isang migrant worker na humihingi ng tulong para magsampa ng kaso laban sa ibang scammer at nagpakilala na kaya niyang asikasuhin ito bilang paralegal at may kilala pa sa PNP.
Ayon sa PNP-ACG, humiling ang suspek ng P150,000 na umano’y sasaklaw sa pagsasampa ng kaso at sa pagbubuo ng PNP unit para hulihin ang scammer.
Sinabi ni PNP-ACG Director Police Brig. Gen. Wilson Asueta, “Wala po kaming inuutusan na tao na siya ang mag negotiate para sa pag conduct ng police operation… lalong lalo na sa pag file ng case.”
Aniya, tinatarget ng suspek ang mga Pilipino sa ibang bansa na biktima ng online scam at pinapayuhan ang publiko na direktang mag-report sa opisina ng PNP-ACG.
“They can directly proceed to our office and we can entertain their complaints, and initiate police actions up to the filing of case,” dagdag ni Asueta. Santi Celario