MANILA, Philippines – Nakatakdang palakasin pa ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson ang kapangyarihan ng Office of the Ombudsman, bukod sa ilang probisyon ng transparency sa gawain nito, upang mahusay na maipatupad ang tungkulin.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na may ilang panukalang inihain sa Senado upang mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian sa pamamagitan ng karagdagang kapangyarihan ng Office of the Ombudsman.
Kabilang sa nakatakdang ibigay sa Ombudsman ang kapangyarihan na kumalap ng serbisyo ng private prosecutor at ang paglikha ng sariling law enforcement arm na magpapatupad ng warrant at magsasagawa ng follow-up investigation na may kinalaman sa katiwalian.
“Isa ang mungkahi ni former Senate President (at Justice Secretary) Franklin Drilon na payagan ang Ombudsman mag-deputize ng private prosecutors para tumulong sa pag-prosecute ng kaso. Kasi sa ngayon, undermanned ang Office of the Ombudsman at nagha-hire pa sila ng lawyers. Pero kung bibigyan sila, by way of legislation, na pwede silang mag-deputize ng private lawyers para umakto bilang private prosecutors, magandang mungkahi ‘yan,” aniya sa panayam.
Ang isa pang rekomendasyon ay ang pagkakaroon ng maliit ngunit nakatuong law enforcement arm ang Ombudsman, na sa kasalukuyan ay umaasa sa tulong ng ibang ahensya tulad ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
“Dapat may sariling law enforcement arm, maski maliit lang na dedicated, para nakakapag-apply sila ng search warrant ng sarili nila. At sarili nilang follow-up ang investigation ng mga corruption-related na kaso,” dagdag niya.
Giit ni Lacson, ang mga bahagyang rekomendasyong ito ay naaayon sa pangunahing tungkulin ng Blue Ribbon na magsagawa ng mga pagdinig in aid of legislation. Sa aspeto ng prosekusyon, marami aniyang ebidensiyang lumabas sa mga pagdinig ang ginamit ng Department of Justice, Office of the Ombudsman, at ng Independent Commission for Infrastructure sa pagsasampa ng mga kaso sa hukuman.
Dagdag pa niya, halos tapos na ang Blue Ribbon Committee sa pagbalangkas ng bahagyang committee report. Matapos itong iharap sa plenaryo, maaari pa silang magsagawa ng isa o dalawang pagdinig upang tuluyang tapusin ang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Lacson na “very confident” siya na magiging matibay ang pinal na committee report ng Blue Ribbon dahil ito ay “evidence-based.”
Sinabi rin ni Lacson na ang mga subpoena na inilabas ng DOJ laban sa ilang personalidad, kabilang sina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Sen. Jinggoy Estrada, ay hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng Blue Ribbon.
“Mas importante sa aming committee report, at lalo na ang ia-adopt ang mga in aid of legislation, kasi ang mga recommended pieces of legislation para ma-correct, kasama ng oversight sa aming mandate. Ito na nga ‘yan, para ma-correct o ma-amend ang umiiral na batas o ma-complement para tumibay pa ang ating laban sa corruption,” aniya.
Kinaroroonan ni Zaldy Co
Ayon kay Lacson, nasa Executive Department na ang pagpapasunod sa impormasyon na si dating Rep. Elizaldy Co ay “lumitaw” sa Stockholm, Sweden noong Enero 15, batay sa petisyong inihain sa Korte Suprema.
Ngunit aniya, hindi nangangahulugan na permanente itong nananatili sa Sweden at maaari itong taktika upang iligaw ang mga sumusubaybay sa kanya.
“Hindi ibig sabihin kung siya nagsumite ng kanyang petition sa Supreme Court at na-authenticate sa Sweden, di ibig sabihin doon siya permanente. Pwedeng lumipat siya ng lugar, alam mo na, para hindi rin siya masundan; kung nasaan siya, lilipat siya para doon siya magpapirma ng salaysay, tapos aalis siya doon. Di naman conclusive na doon siya permanente. Pwedeng pangligaw din,” aniya.