SOUTH COTABATO, Philippines – Aabot na sa 59,185 katao mula sa 13,192 pamilya ang naapektuhan ng patuloy na mga lindol na yumanig at nagdulot ng preemptive evacuations sa mga baybaying lugar ng Sultan Kudarat, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development–Region 12 (DSWD-12).
Sinabi ni DSWD-12 information officer Dennis Domingo na ang mga apektadong pamilya ay mula sa 31 barangay sa mga bayan ng Kalamansig, Lebak at Palimbang sa Sultan Kudarat.
Mayroon din umanong mga residenteng naapektuhan ng lindol sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Autonomous Region.
Hanggang Enero 29, kabuuang 5,429 pamilya o 22,386 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 34 evacuation centers, habang 1,156 pamilya o 3,764 indibidwal ang mas piniling manatili sa labas ng evacuation centers.
Batay sa datos ng DSWD-12, nakapamahagi na ang ahensya ng 11,081 family food packs na nagkakahalaga ng P10,859,380 para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.
Nagbigay rin ito ng 1,000 ready-to-eat foods na nagkakahalaga ng P968,000, gayundin ng family at modular tents, plastic mats, laminated sacks at jerry cans.
Na-activate na rin ng DSWD-12 ang quick response teams matapos ang magnitude 5.4 na lindol na tumama noong Miyerkules ng alas-1:05 ng madaling-araw, na sinundan ng mga intermittent tremors.
Ayon kay Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu, patuloy pang nararamdaman ang mga lindol sa coastal at iba pang bahagi ng lalawigan kaya pinalawig ang suspensyon ng klase at trabaho hanggang Biyernes o hanggang sa ito ay amyendahan o bawiin.
Inatasan niya ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan at ang no work policy sa mga tanggapan ng gobyerno sa Kalamansig, Lebak at Palimbang, maliban sa mga nagbibigay ng front-line services tulad ng emergency responders at health workers. RNT/MND