Home METRO Car agent, inaresto kaugnay sa pagkamatay ng policewoman, anak

Car agent, inaresto kaugnay sa pagkamatay ng policewoman, anak

226
0

MANILA, Philippines – Inaresto na ng mga awtoridad ang isang car agent na itinuring na person of interest sa kaso ng pagkamatay ng isang policewoman at ng kanyang anak.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Police Major General Anthony Aberin, ang car agent at ang kanyang asawa na isang dismissed police officer ay naaresto sa Quezon City.

Noong Enero 24, natagpuang patay si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, 38, sa isang creek sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.

Makalipas ang limang araw, natagpuan naman ang kanyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa Victoria, Tarlac.

Positibong kinilala ng ama ng bata na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido ang bangkay.

Ayon sa pulisya, namatay si Ysmael dahil sa asphyxia o suffocation.

Huling nakitang magkasama sina Diane at Ysmael noong Enero 16 at opisyal na iniulat na nawawala noong Enero 19 ng ama ng bata.

Batay sa paunang imbestigasyon, nawala ang mag-ina matapos silang magtungo sa Quezon City upang makipagkita sa isang car agent matapos magbenta ng sasakyan.

Sinabi ng pulisya na magsasagawa sila ng DNA tests sa mga biktima matapos makakita ng mga bakas ng dugo sa bahay ng car agent sa Quezon City. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here