ALBAY, Philippines – Patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay matapos iulat ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang limang lindol, pagdaloy ng lava, at halos 400 insidente ng pagguho ng bato sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa monitoring bulletin ng PHIVOLCS mula alas-12 ng hatinggabi ng Biyernes hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Sabado, nakapagtala ang Mayon ng limang volcanic earthquakes, 377 rockfall events, at 47 pyroclastic density currents (PDCs) o “uson.”
Namataan din ang lava dome at patuloy na pag-agos ng lava, habang may “fair” o malinaw na crater glow na nakikita ng mata. Nagbuga rin ang bulkan ng usok na umabot sa 100 metro ang taas at tinangay patungong hilagang-kanluran at kanlurang timog-kanluran. Naitala ang sulfur dioxide emission na 2,304 tonelada noong Biyernes.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon, na nangangahulugang may pinaigting o magmatikong pag-aalburoto. Naglabas din ang PHIVOLCS ng mga larawan ng effusive eruption na nagpapakita ng maliwanag na lava flows, rockfall, at PDCs.
Dahil sa aktibidad ng bulkan, daan-daang residente sa Albay ang napilitang lumikas at manirahan sa mga evacuation center. Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Tabaco City.
Sa ilalim ng Alert Level 3, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone (PDZ), habang ang pagpasok sa extended danger zone (EDZ) ay dapat gawin nang may matinding pag-iingat. Hindi rin pinapayuhan ang paglipad ng mga eroplano malapit sa bulkan.
Nagbabala ang PHIVOLCS sa mga posibleng panganib tulad ng pagguho ng bato o landslide, pagtilapon ng bato, pag-agos at pagbukal ng lava, PDCs, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kapag may malakas at tuloy-tuloy na ulan. RNT/MND