MANILA, Philippines – Nagwakas ang ilang taong pagtatago sa batas ng isang Most Wanted Person (MWP) sa lalawigan ng Samar dahil sa kasong paglabag sa Anti-Child Abuse Law makaraang maaresto sa pinagtataguan sa lungsod Ng Caloocan.
SA ulat, nakatanggap ang mga tauhan ni Caloocan City Police Station (CCPS) Chief P/Col. Joey Goforth na nagtatago sa lungsod ang 32-anyos na kabilang sa mga Most Wanted Person sa lalawigan ng Samar.
Dahil dito, agad ikinasa ng mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 ang pagtugis sa akusado hanggang sa makorner siya sa Brgy. 177, ng lungsod.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 32, Calbayog City, Samar, noong September 20, 2021, para sa paglabag sa R.A 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na may inirekomendang piyansa na P80,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Caloocan CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Merly Duero