Home HOME BANNER STORY Pagsubasta sa 10 luxury cars ng mga Discaya, isasagawa ng BOC sa...

Pagsubasta sa 10 luxury cars ng mga Discaya, isasagawa ng BOC sa Peb. 11

211
0

MANILA, Philippines – Magsasagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng isa pang public auction para sa 10 luxury cars na nasamsam mula kina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya sa Pebrero 11, 2026.

Ayon sa BOC, gaganapin ang auction alas-10 ng umaga sa Situation Room, Ground Floor ng OCOM Building, Bureau of Customs, Port Area, Manila.

Kabilang sa mga ipa-auction na sasakyan ang Lincoln Navigator (2024), GMC Yukon Denali (2022), Cadillac Escalade (2021), Maserati Levante Modena (2022), GMC Yukon XL Denali (2022), Cadillac Escalade ESV (2022), Rolls-Royce Cullinan (2023), Bentley Bentayga (2022), at dalawang Bugatti Chiron—isang asul na 2017 model at isang pulang 2019 model.

Ang floor prices ng mga sasakyan ay mula ₱4 milyon hanggang mahigit ₱160 milyon, habang ang bond o security deposit ay mula ₱337,984 hanggang higit ₱8 milyon.

Ang floor price ang itinakdang pinakamababang halaga ng bid sa auction, samantalang ang bond ay ang halagang kailangang bayaran ng bidder bilang garantiya na kaya nitong bayaran ang sasakyan sakaling manalo sa bidding. Ibinabalik ang bond sa mga bidder na hindi mananalo.

Inanunsyo rin ng BOC na may nakatakdang public viewing para sa mga interesadong bidder sa Pebrero 5 hanggang 6 sa BOC-POM Grounds. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here