MANILA, Philippines – Nasamsam ng anti-narcotics operatives ang hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng ₱39.1 milyon mula sa isang pasaherong dumating mula Brazil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Linggo.
Ayon sa PNP, ang 38-anyos na babaeng suspek ay dumating sa NAIA Terminal 3 mula Sao Paulo, Brazil via Doha, Qatar at inaresto noong Enero 30 sa pamamagitan ng isang coordinated inter-agency operation.
Sinabi ng PNP na nagsimula ang operasyon matapos matukoy sa intelligence operations na posibleng may dalang ilegal na droga ang suspek.
Sa routine X-ray screening, napansin ng isang Bureau of Customs inspector ang kahina-hinalang bagay sa loob ng isang berdeng trolley bag.
Sa isinagawang manual search, natuklasan ang isang nakatagong compartment na may apat na pouch na binalot ng tape, plastik, carbon paper, at foil.
Kinumpirma ng field testing gamit ang Raman spectrometer na cocaine ang laman nito, na may tinatayang street value na ₱39,181,660.00.
Inaresto ang suspek ng mga tauhan ng NAIA Police Station 3 at tiniyak na ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang naiintindihan.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., “Illegal drug trafficking will always be met with firm action.” Dagdag pa niya, “Our Aviation Security Group, together with our Naia-IADITG (Inter-Agency Drug Interdiction Task Group) partners, remains vigilant, maintaining layered security to prevent the entry of dangerous drugs into the Philippines.”
Ang inarestong indibidwal at ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng NAIA-IADITG para sa tamang dokumentasyon at legal na proseso. RNT/MND