Home NATIONWIDE Rason ni Leviste sa pag-byahe, ipinagkibit-balikat ng Malakanyang

Rason ni Leviste sa pag-byahe, ipinagkibit-balikat ng Malakanyang

210
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na sayang lang sa oras para bigyang halaga ang muling pag-iingay ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa naging pahayag nito na ang kanyang kahilingan na five-month travel authority sa Kongreso ay pagtatangka na patahimikin siya sa flood control anomalies.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang basehan ang alegasyon ng mambabatas.

“Hindi namin binibigyang halaga ang mga pahayag na walang kabuluhan… walang kwenta. Nakakatawa. Sayang lang ang oras,” ang diing pahayag ni Castro.

“Ngayon ay abala ang Pangulo at ang administrasyong ito sa mas mahahalagang issue ng bayan. Tutok si Pangulong Marcos Jr para iangat ang ekonomiya ng bansa,” aniya pa rin.

Nauna rito, kinumpirma ni Leviste na humiling siya sa Kamara ng “travel authority” para sa mga biyahe abroad.

Ayon kay Leviste, ito ay kasunod ng “request” umano ng ilang “high-level representatives” ng administrasyong Marcos Jr., na ipinarating sa kanyang ina na si Sen. Loren Legarda.

Alegasyon ni Leviste, mayroon umanong gustong umalis siya at ihinto ang paglalabas ng mga ebidensya laban sa mga opisyal ng gob­yerno na sangkot sa mga anomalya sa DPWH projects.

Batay sa lumabas na ulat ukol sa hiling na travel clearance ni Leviste — 5 buwan ang overseas trip niya sa halos 20 bansa sa Asia, Europe, Middle East at North America. Ito ay mula Feb. 8 hanggang July 26.

Paglilinaw ni Leviste, hindi naman ibig sabihin na nasa abroad siya sa buong panahon na ito. Magiging present pa rin umano siya kung bibigyan siya ng Kamara ng pagkakataon para magsalita ukol sa isyu.

Balak din umanong dumalaw ni Leviste sa mga Filipino community sa mga lugar na kanyang bibisitahin.

Hayagan namang pinabulaanan ni Castro ang mga pahayag na ito ni Leviste, sabay sabing “Ang mga dapat malaman ng bayan ay dapat nang pinapahayag ng walang takot. Hindi puro pa media lang.”

“Huwag daanin sa drama, insinuations at puro bintang na ‘walang ebidensya’ ang pagbibintang sa administrasyon,” diing pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here