Home NATIONWIDE Landfill collapse sa Cebu, kakalkalin ng Senado: ‘Guidelines, tutuwirin’

Landfill collapse sa Cebu, kakalkalin ng Senado: ‘Guidelines, tutuwirin’

205
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa pagguho ng landfill sa Binaliw, Cebu, isang insidente na ikinasawi ng higit sa 30 katao at nagresulta sa pagkapinsala ng marami pang iba.

Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 277, sinabi ni Gatchalian na ang mga nangyari sa likod ng pagguho ng landfill noong Enero a-otso ay nagbubunsod ng maraming katanungan, kabilang ang mga pamantayan sa disenyo ng landfill, operasyon nito, pagsunod sa umiiral na mga regulasyon, at kung sapat o hindi ang mga mekanismo ng pagbabantay ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

“Kung hindi natin maitutuwid ang mga panuntunan, malaki ang posibilidad na maulit ang ganitong trahedya sa iba pang mga landfill na maglalagay sa panganib sa mga komunidad at maging sa mga manggagawa,” ani Gatchalian.

Layon ng Senate resolution na matukoy ang mga sanhi ng pagguho, masuri ang pagsunod sa environmental engineering at safety standards, tignan ang naging aksyon ng mga pambansa at lokal na ahensya ng pamahalaan, at makabuo ng mga hakbang sa batas at polisiya upang patatagin ang mga pamantayan sa kaligtasan ng mga landfill.

Sinabi rin ni Gatchalian na ang naganap sa Binaliw ay hindi ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganoong klaseng trahedya.

Ipinapaalala nito ang pagguho ng Payatas dumpsite noong taong 2000 na nagbaon sa mahigit 200 katao, ay nagpapatunay sa patuloy na panganib na dulot ng mga pasilidad sa pagtatapon ng basura na hindi maayos ang pamamahala. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here