MANILA, Philippines – Kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri ang reklamo na isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Villar Land Holdings Corp. upang matukoy kung handa na ito para sa preliminary investigation, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon nitong Lunes, Pebrero 2.
Ayon kay Fadullon, wala pang pahayag ang DOJ dahil ayaw nilang pangunahan ang resulta dahil nagpapatuloy pa ang evaluation.
Noong nakaraang linggo, inakusahan ng SEC ang Villar Land—na dating kilala bilang Golden MV Holdings Inc.—ng paglabag sa Section 24.1(d) at Section 26.3 ng Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code.
May kinalaman ang reklamo sa umano’y paggawa ng mga maling pahayag at pagsasagawa ng mga kilos na itinuturing na pandaraya o panlilinlang laban sa mga mamumuhunan.
Ang reklamo, na isinampa sa Department of Justice (DOJ) noong Biyernes, pinangalanan ang mga respondent kabilang sina Villar Land chairperson at dating senador Manuel Villar Jr.; dating senador Cynthia Villar; mga direktor na sina Cynthia Javarez, Manuel Paolo Villar, Senador Camille Villar, at Senador Mark Villar; pati na rin ang mga independent directors na sina Ana Marie Pagsibigan at Garth Castañeda.
Ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez, maaaring hilingin ng DOJ sa DEC na magsumite ng karagdagang dokumento kung kulang ang reklamo.
Sinabi ni Atty Martinez na ibabasura ang reklamo kung pagkatapos ng pagsusumite ng karagdagang ebidensya ay hindi pa rin sapat.
Idiniin ni Fadullon na habang nasa pagsusuri pa ang reklamo, wala pang opisyal na kaso.
Aniya, ang mga kasong isinampa sa justice department ay awtomatikong dumadaan sa preliminary investigation at ito ay dumadaan muna ito sa evaluation. Jocelyn Tabangcura-Domenden