OSLO, Norway – Haharap sa paglilitis nitong Martes ang anak ng crown princess ng Norway na si Marius Borg Hoiby, na inakusahan ng panggagahasa sa apat na babae at pananakit sa ilang dating nobya—isang iskandalong yumanig sa imahe ng royal family.
Si Hoiby, 29 taong gulang at anak ni Crown Princess Mette-Marit sa isang relasyon bago siya ikinasal kay Crown Prince Haakon, ay nahaharap sa 38 kaso, na ang ilan ay nagmula pa noong 2018.
Inaresto siyang muli noong Linggo dahil sa hinalang pananakit, pagbabanta gamit ang kutsilyo, at paglabag sa restraining order.
Noong Lunes, ipinag-utos ng korte ang kanyang pagkakakulong ng apat na linggo matapos magbabala ang pulisya ng “risk of reoffending”.
Maaaring makulong ng hanggang 16 taon si Hoiby kung mapatunayang nagkasala.
Inamin niya ang ilang minor na paglabag ngunit itinanggi ang mga pinakamabibigat na kaso.
Magaganap ang paglilitis sa Oslo at magsisimula alas-9:30 ng umaga, at inaasahang tatagal hanggang Marso 19.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang depensa. Maghahain si Hoiby ng plea sa lahat ng kaso sa Martes at inaasahang tatestigo sa unang pagkakataon sa Miyerkules.
Ang imbestigasyon ay nagsimula matapos siyang arestuhin noong Agosto 4, 2024 dahil sa umano’y pananakit sa kanyang girlfriend.
Kalaunan, inamin niyang kumilos siya “under the influence of alcohol and cocaine after an argument,” at sinabi niyang matagal na siyang may “mental troubles” at problema sa substance abuse.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ang iba pang umano’y krimen, kabilang ang panggagahasa sa apat na babae habang sila ay natutulog o lasing at wala sa ulirat, na ang ilan ay umano’y kanyang kinunan ng video.
Ang mga insidente ay sinasabing naganap noong 2018, 2023 at 2024, kabilang ang isa na nangyari matapos magsimula ang imbestigasyon ng pulisya.
Noong nakaraang buwan, nadagdagan pa ang mga kaso laban kay Hoiby, kabilang ang isang “serious narcotics offence” noong 2020 kung saan inamin niyang nag-transport siya ng 3.5 kilo ng marijuana.
Isa sa mga umano’y biktima—na lahat ay may restraining order laban kay Hoiby—ang inaasahang unang magpapatotoo sa Martes.
Ang tanging naglantad ng identidad ay ang dating nobya niyang si Nora Haukland, isang model at influencer, na inakusahan siya ng pisikal na pang-aabuso.
Ayon sa kaso, paulit-ulit umano siyang sinaktan ni Hoiby mula 2022 hanggang 2023, kabilang ang pananapak, pagsipa, pagsakal, at paghagis sa kanya sa refrigerator.
Ang iskandalo ay itinuturing na isa sa pinakamalubha sa kasaysayan ng monarkiya ng Norway, bagama’t nananatiling popular pa rin ang institusyon dahil kina King Harald at Queen Sonja.
Hindi dadalo sa paglilitis sina Crown Prince Haakon at Crown Princess Mette-Marit, gayundin ang hari at reyna.
Inaasahang ilalabas ang hatol laban kay Marius Borg Hoiby ilang linggo matapos ang pagtatapos ng paglilitis. RNT/MND