GENERAL SANTOS, Philippines – Labis ang paghihinagpis ngayon ng mga kaanak ng isang babaeng nurse matapos madamay sa pamamaril sa sinakyan nitong tricycle kung saan may kasong rape ang driver, kahapon sa lungsod na ito.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Nhiezer Rolliene Jane Aguacito, 24, nurse, at tricycle driver na si Iven Miano Conde, 32, residente ng Barangay Mabuhay.
Batay sa report ng General Santos City Police Office, bandang 2:30 PM Lunes Pebrero 2, 2026 naganap ang krimen sa kanto ng Aparente at Salvani Street, Barangay City Heights.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng tricycle ang naturang lugar ng bigla na lamang lapitan si Conde ng suspek at pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Tinamaan naman sa ulo ang biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Sa record ng pulisya, nadiskubre na nadakip si Conde noong Nobyembre 20, 2023 na may kinalaman sa mga kasong rape at child abuse na isinampa laban sa kaniya sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Nakalaya pansamantala ang suspek matapos magbayad ng ₱280,000 sa Regional Trial Court ng Isulan bilang piyansa.
Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang follow-up operation ng pulisya para sa pagkakakilanlan at agaran pagdakip sa mga suspek. /Mary Anne Sapico