Home NATIONWIDE Dagdag P7.372-B para sa mga guro, kawani ng pamahalaan, inaprubahan ni PBBM

Dagdag P7.372-B para sa mga guro, kawani ng pamahalaan, inaprubahan ni PBBM

185
0

MANILA, Philippines – Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Acting Secretary Rolando Toledo ng karagdagang P7.372 bilyong piso.

Layon nito na matustusan nang buo ang natitirang cash requirement para sa Fiscal Year 2025 Service Recognition Incentive (SRI) ng mga kwalipikadong guro at non-teaching personnel sa buong bansa.

Inaprubahan ng DBM ang kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) noong Enero 27, 2026.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa pag-apruba ng karagdagang cash allocation, maaari nang bayaran ang natitirang balanse upang matanggap ng mga kuwalipikadong benepisaryo ang buong halaga ng kanilang insentibo.

Matatandaang, noong December 11, 2025, naglabas si Pangulong Marcos ng Administrative Order (AO) 40, na nagbibigay pahintulot sa pagkakaloob ng one-time Service Recognition Incentive sa lahat ng mga kuwalipikadong kawani ng pamahalaan para sa taong 2025.

“Hanggang P20,000 one-time SRI ang matatanggap ng mga kuwalipikadong kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga guro at kawani ng paaralan,” ayon kay Castro.

“Sa ating mga guro at non-teaching staff, maraming salamat po sa inyong serbisyo at pagsisikap upang gabayan ang kabataan. Saludo po sa inyo ang pamahalaan at ang buong bayan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here